
Binawi na ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng tatlong driver ng GV Florida Bus Company na nag-viral sa karerahan sa Isabela.
Ito ay inanunsyo ni Transportation Sec. Vince Dizon at LTO Chief Assistant Sec. Vigor Mendoza II sa isang pulong balitaan.
Iginiit ni Dizon na delikado ang ginawa ng mga nagkarerahang driver.
Ngunit inamin ng kalihim na may problema sila ngayon sa pagbawi sa mga driver’s license dahil ayaw umanong makipagtulungan ng nabanggit na kompanya ng bus.
Ayon kay Dizon, binigyan nila ng hanggang Lunes ang GV Florida Bus Company upang isuko ang tatlong natitirang driver.
Aniya, kapag nabigong sumunod, kakansehalahin ng LTO ang rehistro ng anim na bus na sangkot sa insidente.
Sinabi naman ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na kung walang tinatago ang kompanya ay walang dahilan upang hindi nila ipaharap ang mga driver na sangkot sa insidente.