Maynilad, may taas-singil sa konsumo ng tubig habang may rollback naman ang Manila Water

Inanunsyo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na may bahagyang taas-singil sa tubig ang mga konsyumer ng Maynilad sa susunod na buwan habang may rollback naman ang Manila Water.

Ito ay matapos na aprubahan MWSS ang foreign currency deposit o tariff adjustment ng dalawang water concessionaires.

Ayon kay MWSS Chief regulator Patrick Lester Ty, inaasahan ang adjustment na katumbas ng dagdag isang sentimo para sa mga regular residential o kumukonsumo ng 10 cubic meter kada buwan.

Para naman sa mga kumukonsumo ng 20 cubic meter kada buwan, may dagdag na limang sentimo sa kanilang buwanang konsumo.

Habang P0.11 naman ang adjustment sa mga customer na kumukonsumo ng 30 cubic meter.

Samantala, para naman sa mga konsyumer ng Manila Water, 55 sentimos ang bawas sa mga kumukunsumo ng 10 cubic meter kada buwan, at para naman sa mga may konsumong 30 cubic meter, may bawas na P2.45.

Hindi naman din anila apektado rito ang mga konsyumer sa low income at pasok sa enhanced lifeline ng nasabing water concessionaires.

Facebook Comments