Lumapag na sa Dagupan City ang ikalawang batch ng ₱20 kada kilo ng bigas na naglalayong makapagbigay ng abot-kayang suplay ng pagkain sa vulnerable sector sa lungsod.
Mas maagang sinimulan ang distribusyon upang mas maraming benepisyaryo ang agad na makinabang, kabilang ang mga senior citizens, solo parents, persons with disabilities (PWDs), mga benepisyaryo ng 4Ps, magsasaka, mangingisda, gayundin ang mga jeepney at tricycle drivers.
Paalala ng tanggapan na kinakailangang magpakita ng kaukulang pagkakakilanlan ang bawat benepisyaryo tulad ng Senior Citizen ID mula sa OSCA, Solo Parent ID mula sa City Social Welfare and Development Office, PWD ID mula sa PDAO o DSWD, at 4Ps Beneficiary ID o sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development.
Bukas din ang programa para sa sektor ng agrikultura at transportasyon, at kabilang sa mga requirements ang Farmer’s ID mula sa DA-accredited agencies o RSBSA para sa mga magsasaka, Fisherfolk ID mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o LGU para sa mangingisda, Driver’s ID mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa jeepney drivers, at Tricycle Operator’s Permit (TOP) o kaukulang lisensya para sa tricycle drivers.
Patuloy namang hinihikayat ang mga kwalipikadong residente na samantalahin ang programa, kasabay ng panawagan na sumunod sa itinakdang guidelines upang masigurong lahat ay mabibigyan ng patas na pagkakataon na makinabang sa abot-kayang bigas.








