Bahagyang bumaba ang presyo ng local rice sa Lingayen, Pangasinan kumpara sa presyo ng imported rice, ayon sa ilang manlalako sa pamilihan.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ni Mang Donald – na dahil umano sa panahon ng pag-aani kaya bahagyang bumaba ang presyo nito sa ngayon.
Sa ngayon, umaabot ng P1100 hanggang P1200 ang presyo ng kada sako ng local rice habang na P1250 naman ang ilang klase ng imported rice na kadalasang galing pang Mangatarem, Nueva Ecija o Aguilar.
Anila, sagana umano ang ani ng mga magsasaka sa kabila ng init ng panahon at mahal na krudo.
Ngunit inaasahan nilang muling tataas ang presyo ng bigas sa mga susunod na araw kung mas iinit pa ang panahon dahil pahirapan na ang pagpapatubig.
Nauna nang binawasan ng Department of Agriculture (DA) ang tantiya nitong 2026 palay (unmilled rice) output sa 19.87 MMT mula sa orihinal na target na 20.28 MMT dahil sa pagsirit ng mga gastos sa produkston at nagbabantang El Niño.
Kaugnay nito, noong Miyerkules, itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang El Niño alert, hudyat na maaari nang maramdaman ang epekto nito na maaaring makaapekto sa agrikultura. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








