Lokal na pamahalaan ng Las Piñas, may paalala sa mga kabataan hindi nakapunta sa schedule ng kanilang bakuna

Naglabas ng paalala ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas sa mga kabataan hindi nakapunta sa schedule ng kanilang bakuna kontra COVID-19.

Sa abiso ng Las Piñas Local Government Unit (LGU), sakaling hindi makarating sa itinakdang schedule dahil sa hindi inaasahang pangyayari, agad na magtungo ang babakunahang kabataan sa vaccination site na nasa text message sa mga susunod na araw.

Hindi na kinakailangan na magparehistro muli o maghintay ng panibagong text message.


Kailangan lang ipakita sa mga tauhan ng vaccination site ang naunang text confirmation at magpakita ng katunayan ng pagkakakilanlan tulad ng ID.

Bukod dito, inabisuhan din ang iba pang kabataan na sa oras na makatanggap ng text message na nagkukumpirma ng kanilang araw, oras at lugar ng bakuna, mangyari lamang na agad pumunta sa vaccination site na nakatakda para sa kanila.

Umaabot naman sa kabuuang bilang na 6,000 na kabataan ang nababakunahan sa pitong vaccination sites kada araw kung saan target ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na mabakunahan ang nasa 65,000 na kabuuang bilang ng mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang.

Facebook Comments