Ninakawan ang isang 74-anyos na lola matapos pasukin at pagnakawan sa loob mismo ng kanyang bahay sa Barangay Baay, Lingayen, Pangasinan noong Hunyo 8, habang ito ay abala sa mga gawaing bahay.
Batay sa ulat ng Lingayen Municipal Police Station (MPS), bigla umanong pumasok sa bahay ng biktima ang isang 27-anyos na lalaki na armado ng kutsilyo at tinutukan ang matanda.
Kinuha ng suspek ang mga personal na gamit ng biktima kabilang ang kanyang shoulder bag na may lamang cellphone, alahas, wallet, at ₱3,000 na cash bago mabilis na tumakas.
Agad umanong humingi ng tulong ang biktima sa mga awtoridad matapos gamitin pa ng suspek ang kanyang cellphone para manghingi ng pera sa mga contact nito.
Bunsod nito, nagsagawa ng follow-up investigation ang pulisya at ikinasa ang entrapment operation sa Mayombo District, Dagupan City noong Hunyo 9, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakabawi sa mga ninakaw na gamit ng biktima.
Ayon sa pulisya, nasa kustodiya na ng Lingayen MPS ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










