
Nananatiling nasa maximum security si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kabila ng magkahiwalay na insidente ng pagsabog sa Maynila.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na dapat laging nasa pinakamataas na antas ang seguridad ng pangulo, may banta man o wala.
Ang pahayag ay kasunod ng magkahiwalay na pagsabog ng hinihinalang improvised explosive devices (IEDs) sa harap ng entrance gate ng Department of Justice (DOJ) madaling araw at sa labas ng Senado nitong umaga.
Sinabi rin ni Castro hindi pa niya matiyak kung naiparating na kay Pangulong Marcos ang ulat tungkol sa dalawang insidente dahil hindi pa sila nagkakausap ngayong araw.
Kasabay nito, sinabi rin ni Castro na inaasahan niyang lalo pang paiigtingin ng mga awtoridad ang pagbabantay at pagpapatupad ng seguridad kasunod ng mga pagsabog.










