
Cauayan City – Dead on Arrival ang dalawang magkapatid matapos malunod sa isang ilog na malapit sa San Lorenzo Nature Spring Resort sa bayan ng Buguey, Cagayan noong Hunyo 8, 2025.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marianne Erica Yoro, 18-anyos, at Ricky John Yoro, 13-anyos, mga residente ng Barangay Quinawegan, Buguey.
Ayon kay Billy Ponce, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Buguey, nagtungo sa naturang lugar ang pamilya ng mga biktima para maligo at magbakasyon.
Ikinuwento ng mga kaanak na hindi na nakita ang magkapatid matapos ang pananghalian. Inakala umano nilang naliligo lamang ang mga ito sa ibang bahagi ng resort. Nang hindi pa rin lumilitaw ang magkapatid pag-uwi ng grupo, agad silang humingi ng tulong sa barangay at sa mga awtoridad.
Kalaunan ay natagpuan ang magkapatid na magkayakap at nakalubog sa malalim na bahagi ng ilog. Napag-alamang hindi nila namalayang lumagpas sila sa ligtas na bahagi ng paliguan na may mas malalim na tubig, dahilan upang sila ay malunod. Sinubukan pa silang isalba ngunit idineklarang dead on arrival.
Pansamantalang isinara ng pamahalaang barangay ang San Lorenzo Nature Park Resort dahil sa kakulangan sa mga safety measures.
Samantala, nagpaabot na rin ng tulong ang MDRRMO sa pamilya ng mga biktima na ngayon ay nakaburol sa kanilang tahanan.