Nakumpiska umano ang kaniyang mga paninda na nagkakahalaga ng hindi bababa sa walong libong piso dahil sa pagtitinda sa gilid ng kalsada na siyang ipinagbabawal.
Ayon kay “Aling GG”, sumubok pa siyang makiusap na multahan na lamang ang kaniyang paninda ngunit hindi umano pumayag ang awtoridad.
Wala rin daw pumupuntang mamimili sa inilaang pwesto sa kanila sa palengke kaya’t naghanap sila ng ibang lugar na mapagtitindahan.
Dagdag niya, kumpleto ang kanilang permit sa pagtitinda na kanila pang ginastusan.
Batid ni aling GG na mali ang ginawa nila ngunit ang pakiusap niya ay kaunting konsiderasyon sa kanilang naghahanap buhay lalo na’t apektado rin sila ng kalamidad na dulot ng habagat.
Sinabi naman ni Basista Councilor Edgardo Basista, sa kaniyang post na naiintindihan niya ang dalawang panig at ang kahalagahan ng due process. Pero hiniling niya na magkaroon ng pagkakataon na maipaliwanag ang panig ng mga nagtitinda at maitama ang kanilang pagkakamali bago ipataw ang mas mabigat na parusa na naaayon sa batas.
Patuloy pang sinisikap ng IFM News Dagupan na makuha ang pahayag ng mga awtoridad at ng munisipyo ukol sa nasabing insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








