MAGSASAKA, PATAY MATAPOS TAGAIN NG KAINUMAN SA LEEG

Cauayan City – Kaagad na binawian ng buhay ang isang magsasaka matapos itong tagain ng kanyang kainuman sa leeg sa Brgy. Lapi, Peñablanca, Cagayan.

Ang suspek ay kinilalang si alyas “Jose”, 54-anyos, magsasaka, habang ang biktima ay kinilalang si alyas “Mer”, 55-anyos, tubong Baggao, Cagayan.

Ayon sa ulat, bago nangyari ang insidente ay nagkayayaan umano ang suspek at ang biktima kasama ang kanilang mga kapitbahay na mag-inuman matapos ang kanilang gawain sa bukid.

Habang kasalukuyan ang pag-iinuman, inutusan umano ng suspek ang biktima na kunin ang isa pang bote ng alak sa kanyang bag subalit tumanggi ito.

Nagalit umano ang suspek sa pagtanggi ng biktima at bigla na lamang nitong kinuha ang kanyang bolo at tinaga sa leeg ang biktima na nagresulta ng kanyang agarang pagkamatay.

Sumuko naman ang suspek sa himpilan ng Baggao Police Station na kaagad namang ipinasakamay sa Peñablanca Police Station, na ngayon ay mahaharap sa kasong Homicide.

Facebook Comments