Tuesday, April 28, 2026

MAHIGIT ₱362K HALAGA NG HINIHINALANG SHABU, NASAMSAM SA INFANTA

Dalawang indibidwal ang naaresto matapos makumpiska ang mahigit ₱362,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang pagpapatupad ng search warrant ng mga awtoridad sa bayan ng Infanta.

Kinilala ang mga suspek bilang isang 34 anyos na construction worker at isang 40 anyos na babae na kapwa residente ng Infanta. Sila ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Infanta Municipal Police Station at 105th Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1).

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Search Warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang operasyon ay isinagawa rin sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Sa implementasyon ng search warrant, nakumpiska ang tinatayang 53.3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱362,440. Narekober din ang dalawang bote at isang plastic box na may hinihinalang residue ng ilegal na droga.

Bukod dito, nasamsam din ang iba’t ibang non-drug evidence kabilang ang mga lighter, plastic sachets, improvised tooter, aluminum foil, metal rod, at tatlong piraso ng bala ng caliber .38, pati na isang baril.

Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga suspek at mga itinakdang saksi, alinsunod sa umiiral na batas.

Dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Infanta Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments