Mahigit 12,000 pulis sa Central Luzon, naka-deploy na para sa halalan

Nakakalat na ang mahigit 12,000 pulis mula sa Police Regional Office (PRO) 3 sa iba’t ibang polling precincts sa Central Luzon bilang bahagi ng pinaigting na seguridad at kahandaan para sa halalan sa Lunes, Mayo 12.

Kabilang sa mga ipinakalat ay hindi lamang ang mga tauhang mula sa iba’t ibang police station, kundi maging ang mga personnel mula sa regional at provincial headquarters upang tiyakin ang maayos, mapayapa, at ligtas na pagdaraos ng eleksyon sa buong rehiyon.

Ayon kay PRO-3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, nakatutok sila hindi lamang sa seguridad ng mga presinto, kundi pati na rin sa pagbibigay proteksyon sa karapatan ng bawat botante.

Hinikayat din ni Fajardo ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng eleksyon.

Facebook Comments