Tuesday, July 21, 2026

Panukalang master plan sa imprastruktura, pinaaaprubahan agad ng mga senador

Pinamamadali na ng mga senador ang pag-apruba sa panukalang Master plan for Infrastructure Development Act o MIND Act na layong maiwasan na ang mga katiwalian sa flood control scam at iba pang imprastruktura.

Nakasaad sa bill na 30 hanggang 50 taon ang dapat na master plan ng mga Infrastructure projects sa buong bansa kung saan hindi pwedeng baguhin ang plano kahit magpalit ang pangulo at iba pang lider ng bansa.

Sa Senate Bill no. 2 ni Senator JV Ejercito, tinitiyak dito ang maayos, tuloy-tuloy at magkaka-ugnay ang mga kalsada, tulay, irigasyon, railway at lahat ng iba pang proyekto sa buong kapuluan, at matitiyak din ang paglikha ng mga trabaho.

Maiiwasan dito ang nangyari sa flood control scam kung saan nagkanya- kanya ang mga mambabatas sa pagpapa-pondo at pagpapagawa sa kani-kanilang balwarte ng mga proyektong kontra baha.

Sinang-ayunan din ito ni Senator Erwin Tulfo na naghain din ng Senate Bill 1360 na kumpyansang sa ilalim ng panukala ay masasawata nito ang pagdodoble ng plano, mapabibilis ang implementasyon ng proyekto at mas mamo-monitor ang pondo.

Nagpalikha na rin si Senator Risa Hontiveros ng technical working group na hihimay sa panukala para maisalang na sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na kanyang pinamumunuan.

Punto pa ni Ejercito, 25 hanggang 30 taon nang napag-iiwanan ang Pilipinas sa Southeast Asia pagdating sa infrastructures dahil laging natititigil o kaya napapalitan ang mga proyekto kapag nagbago ang administrasyon.

Facebook Comments