Mahigit 300 pulis na nasawi sa pagganap ng tungkulin, binigyang pugay ni Secretary Año sa kanyang pamamaalam sa PNP

66

Nagbigay-pugay si outgoing Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa 307 na pulis na namatay sa pagganap ng kanilang tungkulin sa panahon ng Duterte Administration.

Ang pagkilala sa mga magigiting na pulis ay ginawa ni Año sa kanyang mensahe ng pamamaalam sa mga pulis sa Flag-raising Ceremony kahapon sa Camp Crame.

Ayon kay Año, 56 sa mga pulis na ito ay nasawi sa drug war, 160 sa anti-criminality campaigns at 91 sa pakikipaglaban sa mga teroristang komunista.


Kabilang sa mga tinukoy ni Año ay si Police Senior Master Sargeant Jason Magno, na nasawi nang takpan niya ng kanyang katawan ang isang granada na hinagis ng suspek upang hindi makapinsala ng mga mag-aaral sa Initao Community College sa Misamis Oriental noong Nobyembre 2019.

Maging si Police Master Sargeant Conrado A. Cabigao Jr. ng Police Regional Office (PRO) 4-A na nasawi sa isang buy bust operation noong June 2019; at si Police Captain Efren S. Espasanto na nasawi sa pakikipaglaban sa mga teroristang komunista sa Janiuay, Iloilo noong Febrero 2020.

Ayon ni Año na umaasa siya na hindi nasayang ang pagbubuwis ng buhay ng mga magigiting na pulis, at magsisilbing inspirasyon para lalong pagbutihin ng mga pulis ang pagsisilbi sa bayan.



Facebook Comments