Mahigit 900 security personnel ang pormal na idineploy sa bayan ng Manaoag bilang bahagi ng paghahanda sa makasaysayang 100 Years Canonical Coronation of Our Lady of Manaoag.
Pinangunahan ng Pangasinan Police Provincial Office, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Manaoag, ang isinagawang send-off ceremony kahapon, Abril 21, na nagsilbing hudyat ng malawakang security operations para sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto.
Sa kabuuang bilang, 577 ang mula sa Philippine National Police (PNP) kabilang ang regional at provincial units, mahigit 96 ang nagmula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), habang tinatayang 200 miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) ang nagsilbing karagdagang pwersa sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan.
Bago ang deployment, isinagawa ang masusing briefing sa pangunguna ng Manaoag Municipal Police Station (MPS) na tiniyak ang koordinasyon ng bawat yunit sa ground.
Sinundan ito ng panalangin at pagbabasbas sa mga itinalagang tauhan.
Ayon sa kapulisan, layunin ng hakbang na masiguro ang mapayapang pagdiriwang ng sentenaryong koronasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








