
Irerekomenda na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detention Group o PNP-CIDG sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng evaluation, case build-up at preliminary investigation para sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 laban kay Tab Baldwin, dating coach ng Ateneo men’s basketball, at 10 pang coaching staff.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, maituturing umanong isang uri ng hazing ang seawater training ng mga atleta, matapos umano itong makitaan ng prima facie case na umano’y may reasonable certainty of conviction base na rin sa mga dokumento, statements ng mga saksi, at iba pang ebidensya na nakalap sa imbestigasyon ng PNP-CIDG.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng seawater training nang high-tide, pagkakasa ng seawater training para mapasali sa listahan ni Tab Baldwin bilang myembro ng ateneo basketball team, at iba pa.
Gayunpaman, nilinaw naman sa presscon na bukas pa rin umano ang imbestigasyon ng otoridad sa anumang karagdagang kaso na maaaring matukoy ng DOJ dahil rekomendasyon pa lang umano ito.
Samantala, kabilang naman sa 11 inirerekomendang kasuhan sina dating ateneo basketball head coach Tab Baldwin, Grant Dearns, Ceasar Vincent Wlumba, Dean Caesar Castaño, Sandro Soriano, Reynaldo Jacinto Jr., Paolo Adevoso, Andrew Salud, John Eric Rueca, Aris Pronce at Joel Rapa, na lahat umano ay present sa nasabing team-building.










