
Namahagi ng P10.1-million na halaga ng humanitarian assistance sa mga pamilyang apektado ng sunog sa Davao City noong October 15 at 16 ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aabot sa mahigit 1-K family food packs, ready-to-eat food boxes, at kitchen, hygiene, sleeping, at family clothing kits ang naipamahagi ng ahensya, habang idineploy rin ng nila ang Mobile Kitchen para makapagbigay ng mainit at libreng pagkain sa mga apektadong residente.
Sa pagsusuri ng ahensya at ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), mahigit 1-k pamilya, o katumbas ng mahigit 5-K indibidwal, ang naapektuhan ng sunog noong October 15 sa Barangay Leon Garcia, Agdao District, kung saan mahigit 400 kabahayan naman ang naitalang napinsala.
Samantala, 90 pamilya at 8 boarders naman ang apektado ng sunog noong October 16 sa Barangay 76-A, Bucana sa Talomo District.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang ahensya sa CSWDO at mga lokal na pamahalaan para i-monitor ang kalagayan ng mga apektadong pamilya na nasa evacuation centers.
Ayon kay DSWD Spokesperson and Assistant Secretary Irene Dumlao, may nakapreposisyon pang mahigit 130-K na family food packs sa Davao City, habang magpapatuloy naman ang pamamahagi ng tulong ng ahensya, hanggang sa makabangong muli ang mga biktima ng sunog.










