
Nagkasa ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng isang operasyon sa CMQ Refilling Plant sa Brgy. Cuayan, Angeles City, Pampanga kamakalawa.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na sina alyas “Anthony” at “Ruel,” at pagkakakumpiska ng hinihinalang iligal na produktong LPG na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P6.5 milyon.
Base sa imbestigasyon ng CIDG, ilegal na nire-refill ng mga suspek ang mga LPG tank at pinipinturahang muli ang mga tangke upang matakpan ang orihinal na marka nito bago ibenta.
Nasamsam ng mga awtoridad ang sandamakmak na ebidensiya gaya ng mga LPG storage tank, lorry tank, timbangan, gamit sa refilling, mga tangkeng may laman at walang laman, at mga resibo ng benta.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Trademark Infringement at Unfair Competition ng Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.