Umabot sa mahigit ₱13.6 milyon ang halaga ng ilegal na droga na nasamsam ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa loob lamang ng isang buwang anti-drug operations mula Mayo 1 hanggang 31, 2026.
Malaking bahagi ng kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando ay nagmula sa marijuana eradication sa mga bulubunduking lugar ng Ilocos Sur at Benguet.
Sa naturang operasyon, winasak at sinunog ang 24,020 pirasong tanim na marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱4.8 milyon mula Mayo 29 hanggang 31.
Sa kabuuan, 172 anti-drug operations ang ikinasa kung saan 200 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ang timbog sa iba’t ibang bahagi ng Region 1.
Kabilang sa mga nakumpiska ang 956.982 gramo ng hinihinalang shabu, 5,940.067 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 24,025 fully grown marijuana plants, 249 gramo ng kush, at 180 mililitro ng marijuana liquid.
Ayon sa PRO 1, nasa ₱13,679,085.64 ang kabuuang halaga ng mga ilegal na droga at iba pang kontrabandong nakumpiska sa kanilang mga operasyon sa buong rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










