
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo na gawing libre ang pagkuha ng professional examination tulad ng board at bar exams sa lahat ng mga kwalipikadong indigents ngayong panahon nanaman ng graduation.
Tinukoy ni Tulfo na dahil sa mga bayarin sa professional exams ay nauudlot ang pagunlad at pagkakaroon ng lisensya ng mga bagong professionals sa bansa.
Sa halip aniya na magbayad ng licensure exam fees, pipiliin na lamang ng isang mahirap na nagtapos na magtrabaho na lang at kung minsan nauuwi pa sila sa pagiging underemployed sa kagustuhang kumita agad.
Sa ilalim ng Senate Bill 2035 o “Free Professional Examinations Act”, gagawing exempted ang mga qualified indigents mula sa pagbabayad ng exam fees.
Saklaw ng panukala para sa exemption ng professional exam fees ang Professional Regulations Commission (PRC) Board Exams, Civil Service Eligibility Exams, at Bar Exams.
Ang mga kwalipikadong indigents ay tutukuyin naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at limitado naman sa isang beses sa isang taon ang pagkuha ng benepisyong ito.










