
Iginiit ni Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor Xylene del Campo na hindi compliant o hindi nakasunod sa Joint Circular 2015-01 ang Office of the Vice President (OVP) sa listahan ng mga aktibidad na dapat lang paggamitan ng confidential funds.
Sa Day 14 ng Impeachment Trial ay ipinakita ang confidential activities ng OVP na pinaggamitan ng confidential funds mula December 13 hanggang 31, 2022 para ipakita na tagumpay ang gathering at surveillance activities na nire-require para sa payment of rewards.
Tinukoy ni Del Campo ang mga confidential activities na pinaggastusan ng confidential funds ng OVP sa mga nabanggit na petsa.
Kabilang dito ang partners appreciation night ng Department of Education (DepEd) sa Mandaluyong City, Knights of Rizal Supreme Council-60th year of the Institute sa Baguio City-Youth Campaign on Patriotism, Christmas activity sa Happy Land sa Tondo, Manila at iba pang aktibidad tulad ng tree planting, coordination meeting, distribution of wheelchairs, gift giving, medical mission at iba pang activities ng mga satellite offices ng OVP sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tinanong ni Atty. Lorna Kapunan kung ang mga gawain na ito ay compliant ba sa listahan ng mga confidential activities na tinukoy sa joint circular at ayon kay Del Campo ang mga aktibidad na nabanggit ay hindi pinapayagan para sa paggamit ng confidential funds.
Nilinaw naman ni presiding officer Chiz Escudero kung maaari bang gamitin ang confidential fund para i-reimburse ang mga naunang activities mula December 13 hanggang 20 na hindi sakop ng release ng pondo, iginiit ni Del Campo na batay sa joint circular nakasaad na hindi pwedeng gamitin for reimbursement ang confidential funds.
Hindi naman suportado ng sales invoices o official receipts (OR) ang P73.287 Million na payment of rewards at bayad para sa mga tables, chairs, desktop computers at printers na tinukoy ni Del Campo.
Samantala, ipinakita naman ni Kapunan ang ilang acknowledgement receipts na isinumite ng OVP bilang tugon sa Audit Observation Memorandum (AOM) kung saan ang mga pangalan ng mga tumanggap ng confidential funds ay ka-apelyido ng ilang senador at personalidad.
Kabilang dito sina Ralph at Josh Bacon, Anne Ongpauco, Heart Santiago, Beth Revilla, Clarisse Hontiveros, Jose Diokno Jr., at Diane Maple Lapid.
Tinanong naman ni Kapunan si Del Campo kung natanong ba nila si Escudero kung related ba sa asawa niya ang nabanggit na Ongpauco at Heart.
Paliwanag ni Del Campo, hindi na nila vinalidate ang mga pangalan sa acknowledgement receipts dahil ang trabaho lang nila ay suriin kung compliant sa joint circular ang mga liquidation documents na isinusumite sa kanila.










