
Nakikipag-ugnayan na ang Makati police sa Brgy. Bel-Air at local businesses sa lugar upang tumulong sa backtracking at review ng mga available CCTV footage sa lugar kung saan iniwan ang kabaong kaninang madaling araw.
Maging ang mga local funeral homes at distributors ay kinausap na rin ng Makati Police para makakuha ng impormasyon para malaman kung saan nanggaling ang kabaong na walang laman.
Tiniyak din ng Makati Police 1na magsasagawa ang mga ito na malalimang imbestigasyon para makilala ang mga indibidwal na nag-iwan ng kabaong sa lugar.
Una rito, rumesponde ang Makati City Police Station sa tawag ng duty Bantay Bayan officer ng naturang barangay kaugnay ng kabaong na nakaharang sa bahagi ng sidewalk ng Sen. Gil Puyat Avenue sa Brgy. Bel-Air.
Agad itong nirespondehan ng Poblacion Sub-Station 6 at agad sinecure ang lugar saka tinawag ang Investigation and Detective Management Section.
Sa imbestigasyon ng Station Explosives and Canine Unit (SECU) at Scene of the Crime Operatives (SOCO), may habang anim na talampakan ang kabaong, mayroong larawan ng tatlong hindi tukoy na lalaki at may nakasulat na “Chinese Communist Party (CCP) GREEDY SALOT.”










