
Kinontra ng Malacañang ang tila pagmamalinis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa umano’y warrant of arrest sa kaniya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa war on drugs.
Ito’y kasunod ng pagkwestiyon ng dating pangulo kung ano ba ang kasalanan niya para arestuhih siya ng ICC.
Ayon pa kay Duterte, ginawa niya ang lahat para mabigyan ng kaunting kapayapaan at kaayusan ang mga Pilipino sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Pero sabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro, mismong ang dating pangulo na ang umamin sa kaniyang mga ginawa nang humarap siya noon sa pagdinig ng Senado at Quad Comm, kung saan inatasan niya ang mga pulis na hikayatin ang mga suspek na manlaban.
Giit ni Castro, hindi makatarungan ang tila pagpapanggap na inosente ni Duterte, lalo’t maraming pamilya ang humihiling ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang mga kaanak dahil sa tokhang.
Kinontra rin ni Castro ang biro ng dating pangulo sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Hong Kong na patayuan siyang rebulto kung siya ay tuluyang makukulong.
Ang taumbayan dapat aniya ang nagsasabi kung marapat na gawing bayani ang isang indibidwal at hindi si Duterte.