
Inihanda na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng unit ng pulisya sa buong bansa para sa pagtitipid ng tubig kasunod ito ng banta ng El Niño.
Ang nasabing hakbang ay kasunod nang maglabas ng water conservation advisory ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) habang patuloy na nararanasan ang panahon ng taginit sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nagbigay na ito ng direktiba sa striktong implementasyon ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig kagaya ng agad na pagkumpuni sa mga may leaks at responsableng paggamit ng tubig sa mga kampo at estasyon.
Nais nito na matiyak na ang bawat pasilidad ng pulisya ay nakakatulong sa national effort para magtipid ng tubig sa panahon ng tag-init.
Bukod dito ay iniutos din ni Nartatez sa mga unit nito na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at maging handang tumulong sa mga aktibidad ng distribusyon ng tubig kung kinakailangan.
Hinimok naman nya ang publiko na sanayin ang responsableng paggamit ng tubig dahil makakatulong ito na maprotektahan ang mga komunidad sa mas malalang shortage sa mga susunod na buwan.










