Monday, June 15, 2026

BRC Committee ni Sen. Erwin Tulfo, pag-aaralan kung may paglabag sa gagawing hearing bukas ng Cayetano Bloc

Pag-aaralan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo kung may paglabag sa isasagawang pagdinig ng Cayetano Bloc bukas kung saan bukod sa 18 na mga dating bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co ay haharap din ang karagdagang 14 pa na mga naging bagmen at tauhan nito.

Sa abiso na inilabas ni dating Cong. Mike Defensor sa kanyang Facebook account, nakasaad na tuloy ang Blue Ribbon Committee hearing bukas sa Doublegem Edsa Garden Events Place sa Mandaluyong City kung saan dadaluhan umano ito ng mga senador mula sa Cayetano faction.

Ayon kay Tulfo, sisilipin nila kung may “usurpation of authority” o illegal o pagmamalabis na paggamit ng kapangyarihan si Defensor at ang iba pang mga sangkot sa pagsasagawa ng pagdinig.

Iginiit ni Tulfo na malinaw na destabilisasyon sa institusyon ng Senado ang idaraos na pagdinig dahil sa tila panghihimok pa ng suporta gayong hindi naman ito opisyal na pagdinig mula sa Blue Ribbon na tinawag niyng “hearing-hearingan”.

Gayunman, kung sasabihin na gathering o press conference lamang ito ay hindi naman ito maituturing na paglabag dahil mayroon tayong umiiral na freedom of speech and expression.

Facebook Comments