
Natuwa ang Malacañang na sa unang pagkakataon ay may pinagbatayan ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte nang ilarawan nito ang kaniyang impeachment trial bilang isang “bloodbath and bludgeoning.”
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hango ang naturang pahayag sa tulang Invictus ni William Ernest Henley.
Samantala, sinabi rin ni Castro na maaaring maging “madugo” ang impeachment trial kung hindi masasagot ang mga akusasyon laban kay Duterte.
Aminado siyang maaaring bahagi ng legal na estratehiya ang hindi muna pagsagot sa mga alegasyon.
Gayunpaman, mas makabubuti aniya kung mismong si Vice President Duterte ang magbibigay ng malinaw na paliwanag o pagtanggi sa mga akusasyon, kaysa umasa lamang sa mga depensang nakabatay sa technicalities.










