Thursday, July 2, 2026

House Prosecution Team, nanawagan ng panalangin para sa impeachment trial ni VP Duterte

Nanawagan si House Lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ng panalangin mula sa mamamayang Pilipino para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula sa July 6.

Mensahe ito ni Luistro, matapos sya at iba pang kasapi ng House Prosecution Panel ay dumalo sa Mass for Truth, Justice, and Accountability na ginanap kaninang umaga sa Chapel of the Nativity of the Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay Luistro, malaki ang magagawa ng panalangin at pakikiisa ng taumbayan sa pagsusulong ng prosekusyon ng pananagutan ni VP Duterte.

Kasama sa panawagan ni Luistro na ipagdasal din ang defense team ni VP Duterte at ang senator-judges ng impeachment court.

Sa kanyang homily ay binanggit ni Msgr. Mel David ng Parañaque ang pag-asa na sa pamamagitan ng malinaw at makatotohanang paglalahad ng ebidensya ay makikita ng mga senator-judges ang katotohanan para maging gabay sa kanilang pagpapasya para sa katotohanan at sa mamamayang Pilipino.

Facebook Comments