
Tiwala ang Malacañang na hindi maaapektuhan ng pagbabago sa liderato ng Senado ang pagpasa sa mga priority bill ng administrasyon.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nananatiling mahalaga ang mga panukalang batas na tinalakay sa huling Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting noong Pebrero dahil direktang para ito sa kapakanan ng mamamayan.
Binigyang-diin ni Castro na hindi dapat maantala ang mga priority measure lalo na ang may kinalaman sa economic recovery, social protection, at ayuda sa mga vulnerable sector dahil publiko ang unang maaapektuhan kapag bumagal ang trabaho sa Senado.
Kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Bill na inaasahang magpapalakas sa mga programa ng pamahalaan para sa pagbangon ng ekonomiya at dagdag na suporta sa mga nangangailangang sektor.
Umaasa ang Malacañang na magtutuloy-tuloy ang pagtalakay at pagpasa sa mga priority bill sa Senado sa kabila ng naging pagbabago sa liderato nito.










