
Umapela ang ina ng isa sa mga nasawing biktima sa school shooting incident sa isang paaralan sa Tacloban City na ibaba ang edad ng mga kabataang makakasuhan na nakagawa ng karumal-dumal na krimen.
Humarap sa pamamagitan ng online si Ginang Jennelyn Badoria, ina ng biktimang napatay sa pamamaril na si Joyancee Separa kung saan ipinanawagan niya sa Senate Committee on Women na ibaba ang edad ng mga kabataang pwedeng makasuhan matapos ang nangyaring pagpatay sa kanyang anak.
Tumaas ang boses ni Badoria dahil sinabi umano ng suspek na nakabaril sa kanyang anak na wala siyang criminal liability at mananatili lang sa Bahay Pagasa.
Sang-ayon ang ginang sa pahayag ni Senator Raffy Tulfo na maaaring ikulong ang isang kabataang nakagawa ng krimen sa isang pasilidad na angkop para sa kanilang edad para maibigay din ang parusang karapat-dapat sa kanila.
Emosyonal na sinabi ni Badoria na nakapatay ng tao ang batang suspek at dapat na maramdaman din ng mga ito ang sakit na kanilang nararamdaman sa pagkawala ng mahal sa buhay.










