Monday, July 27, 2026

Malacañang, sang-ayon sa resulta ng survey na nagpakitang bumaba ang trust rating ni VP Sara

Sang-ayon ang Malacañang sa resulta ng pinakahuling OCTA Research survey na nagpakitang bumaba ang trust at performance ratings ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, ipinapakita ng survey na hindi lamang propaganda ang mga isyung kinakaharap ng Bise Presidente, kabilang ang impeachment case.

Aniya, mahalagang makita ng publiko kung sinu-sinong opisyal ang tunay na nagtatrabaho at naghahatid ng solusyon sa mga problema ng bansa.

Sa ikalawang quarter ng taon, bumaba sa 47% ang trust rating ni Duterte mula sa 55% noong unang quarter. Bumaba rin ang kanyang performance rating sa 45% mula sa dating 50%.

Para kay Castro, sumasalamin ang resulta ng survey sa pananaw ng publiko na wala umanong naiaambag ang Bise Presidente sa pagtugon sa mga isyu tulad ng inflation at pagtaas ng presyo ng petrolyo, at mas inuuna ang pamumuna kaysa pagbibigay ng solusyon.

Samantala, bumaba rin ang trust at performance ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 49% at 47%, bagama’t nananatili itong mas mataas kaysa sa ratings ni Vice President Duterte.

Facebook Comments