
Pinag-aaralan ng Presidential Communications Office (PCO) ang posibilidad ng pagkakaroon ng regulatory body sa social media na siyang magbabantay sa vloggers at content creators.
Ito’y sa gitna pa rin ng maigting na kampanya ng pamahalaan laban sa fake news o maling impormasyon.
Ayon PCO Secretary Jay Ruiz, kung ang iba’t ibang media platforms ay may mga regulatory body tulad sa radyo, telebisyon, at mga pelikula, bakit hindi aniya ganito rin ang gawin sa social media.
Giit ni Ruiz, dapat may pananagutan ang bawat isa sa mga inilalabas na impormasyon kahit saang platform pa ito, dahil nakasalalay rito ang kapakanan ng publiko at national security.
Kaugnay nito, handa aniya ang PCO na iakyat sa korte ang mga mapanirang social media post na nakaaapekto sa pambansang seguridad.
Makikipagtulungan rin abg Malacañang sa Kongreso para sa mungkahing gumawa ng batas para i-regulate ang social media laban sa fake news.