
Mas magiging transparent ang pagpapalabas ng pondo ngayong taon, alinsunod sa mga umiiral na batas at tuntunin nang maayos na pamamahala.
Ito ang pahayag ng Malacañang kasunod ng panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katoliko na ayawan ang ayuda-driven 2025 national budget na anila’y nagtataguyod ng corruption at patronage politics.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, mas hihigpitan nila ang mga kondisyon sa pagpapalabas ng pondo para matiyak na gugugulin ito nang naaayon sa mga prayoridad ng pamahalaan at para ma-protektahan mula sa partisan interests.
Kinikilala aniya ng pamahalaan na ang pagpopondo sa budget ay pinapasan ng taumbayan kaya naman nararapat lang na makita ang mga sakripisyong ito sa implementasyon.
Muli namang ipinaalala ni Bersamin na direktang vineto ni Pang. Marcos ang pinakamalaking halaga ng appropriations sa kasaysayan— bagay na wala pang presidente ang gumawa.
Pagkatapos aniya ng masusing review, iniutos nito ang paglilipat ng bilyones na pondo sa mga proyekto at programang pakikinabangan ng mga tao.