Friday, October 23, 2026

Malacanang, umapela sa publiko na huwag manggulo sa pagdaraos ng ASEAN Summit

Hiniling ng Malacañang na maging maayos ang pagdaraos ng 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Nobyembre, kasunod ng planong protesta ng ilang grupo laban sa Pax Silica initiative.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng mga Pilipino na magpahayag ng hinaing at magsagawa ng protesta.

Gayunman, umaasa ang Palasyo na hindi maaabala ang malaking international event at maipapakita ng Pilipinas ang maayos na pagtanggap sa mga bisita.

Kasunod ito ng insidente sa Luzon Economic Corridor Forum, kung saan nakapasok sa loob ng venue ang ilang nagprotesta.

Samantala, tiniyak naman ng Palasyo na nakaalerto ang Philippine National Police at iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak ang seguridad ng mga head of state at delegado sa ASEAN Summit.

Idineklara na ring special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18 sa Metro Manila bilang bahagi ng mga hakbang para sa maayos at ligtas na pagdaraos ng summit.

Facebook Comments