
Mas nanaig ang lungkot na naramdaman ng ilang mga senador nang muling makita sa unang pagkakataon si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong dumalo sa third status conference ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Senator Robinhood Padilla, siya ay nabigla at hindi niya inaasahang tumulo ang kaniyang luha sa tuwa nang muling makita ang dating pangulo.
Gayunman, binalot agad ng lungkot ang kanyang naramdaman dahil batid niyang malakas lang ang loob ni dating Pangulong Duterte at hindi na kakayanin ng kaniyang katawan at edad na 81 ang sitwasyon sa kulungan.
Lungkot din ang naramdaman ni Senator JV Ejercito dahil kahit papaano ay nakatrabaho rin niya ang dating presidente lalo na sa Build, Build, Build program.
Sinabi ni Ejercito na kaunti na lang ay parang palito na ang dating pangulo dahil halos buto’t balat sa payat at mukhang napakahina na rin.
Tungkol naman sa mga kaso ng dating pangulo, sinabi ng senador na hayaan na gumulong ang hustisya at hayaan na lang ang kasaysayan ang humusga kay Duterte.










