MANAOAG POLICE, NAGPATUPAD NG MAS PINAIGTING NA SEGURIDAD SA GITNA NG MASAMANG PANAHON

Sa kabila ng patuloy na pag-ulan at masamang panahon, nananatiling nakaalerto ang Manaoag Police Station upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga residente sa bayan.

Nagsagawa ang mga pulis ng barangay visitation at pakikipag-ugnayan sa mga barangay duty officials.

Sa isinagawang pagbisita, pinaalalahanan ng mga pulis ang mga opisyal ng barangay na manatiling mapagmatyag laban sa mga indibidwal na maaaring samantalahin ang masamang panahon upang gumawa ng mga ilegal na gawain.

Naglibot din ang mga tauhan ng pulisya sa mga negosyong bukas nang 24 oras upang hikayatin ang mga may-ari at empleyado na maging mapanuri at agad na iulat sa kanilang mga opisyal ng barangay o sa Philippine National Police ang anumang kahina-hinalang tao o insidente sa pamamagitan ng pagtawag sa 911 o sa Manaoag Police Station.

Kasabay nito, nagsagawa rin ang Manaoag Police Station ng mobile patrol operations sa iba’t ibang bahagi ng bayan upang bantayan ang kanilang area of responsibility (AOR), hadlangan ang paggalaw ng mga posibleng lumalabag sa batas, at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Binigyang-diin ng Manaoag Police Station na ulan man o araw, nananatili itong nakatuon sa pagbibigay ng maagap at aktibong serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng mas pinaigting na police visibility at matatag na pakikipagtulungan sa mga barangay para sa kaligtasan ng bawat Manaoageño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments