
Hinimok ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division ang mga residenteng lumusong o na-expose sa baha nitong mga nakaraang araw na maging mapagmatyag sa mga sintomas ng leptospirosis.
Ito umano ay dahil sa tumataas na panganib ng pagkakaroon ng leptospirosis bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha.
Kabilang umano sa mga sintomas na kailangang bantayan ay ang lagnat, pananakit ng ulo at katawan, pagsusuka, panginginig, paninilaw ng balat, at pamumula ng mata.
Sakaling nakakaranas ng nasabing mga sintomas, pinapayuhan ng City Epidemiology and Surveillance Division na agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center para makatanggap ng libreng konsultasyon at gamot kung kinakailangan.
Facebook Comments










