
Maraming mga beteranong trial lawyers at law firms ang interesadong tumulong sa House Prosecution Panel para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson at Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro, nahihirapan silang mamili dahil lahat ng nagpapahayag ng pagnanais na tumulong sa public prosecutors ay talagang mga batikan at magagaling na trial lawyers.
Sabi ni Luistro, mayroon na silang nabuong shortlist ng mga abogado na magsisilbing private prosecutors pero patuloy pa nila itong tinatalakay dahil sa dami ng abogado na nais magboluntaryo para sila ay suportahan.
Binanggit ni Luistro, na kabilang sa kanilang ikinokonsidera sa pagpili ng mga makakatuwang na abogado sa impeachment trial ang kanilang litigation background, familiarity sa mga alegasyon laban kay VP Sara na nakapaloob sa Articles of Impeachment at availability sa buong proseso.










