
Kinumpirna ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang nakitang bakas ng pagtagas ng langis ang SL SUAL 1 na may kargang 15,000 litro ng diesel na lumubog sa katubigang sakop ng Botolan, Zambales noong Lunes, August 24.
Batay sa impormasyon ibinahagi ng PCG, walang pinsala ang fuel tank ng nasabing tugboat kung saan nauna nang nagsagawa ng shoreline patrols ang mga rumesponde nilang tauhan sa kahabaan ng Bucao River at mga lugar na malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, nagsagawa ng water sampling ang ahensya katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para masiguro na walang langis na tumagas sa naturang tugboat.
Bukod dito, nagkasa rin ng underwater inspection ang isang third party diving team upang malaman ang tamang proseso sa gagawing salvage operation o kung paanong maiahon muli sa tubig ang tugboat na lumubog sa halos 24 metro ang lalim.










