NATANGAY UMANONG MOTORSIKLO NG ISANG NEGOSYANTE SA DAGUPAN CITY, SAPUL SA CCTV

Sapul sa CCTV Footage ang umano’y insidente ng pagnanakaw ng isang Motorsiklo dito sa barangay II at III, Dagupan City.

Mangiyak-ngiyak si Maricon Pacheco Perez sa aming panayam nang ikuwento niya ang pagtangay umano sa kaniyang motorsiklo, na siyang katuwang niya sa kanilang negosyo at pang-araw-araw na hanapbuhay.

Aniya, hindi niya raw inaakala na matatangay ang motorsiklo dahil nakaparada lamang ito sa harapan ng kanilang puwesto at malapit din umano sila sa barangay hall.

Batay sa police blotter na naitala sa himpilan ng pulisya, nawawala ang isang kulay pula at itim na motorsiklo nito.

Batay sa salaysay, ipinarada umano ang motorsiklo sa harap ng kanilang tirahan bandang alas-12:00 ng hatinggabi. Hindi umano ito nakakandado at walang nagbabantay.

Bandang alas-3:00 ng madaling-araw, naalala umano ng nag-ulat na nakita pa niya ang motorsiklo sa parehong lugar bago siya umalis.

Subalit bandang ala-1:00 ng hapon, natuklasan nilang nawawala na ang kanilang motorsiklo.

Batay naman sa ibinahagi ni Perez na CCTV footage kuha mula sa Barangay Hall ng Barangay II and III, nakita umano bandang alas-5:10 ng madaling-araw ang tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.

Palihim umanong tumitingin ang mga ito sa nakaparadang sasakyan.

Makalipas ang ilang minuto, nakita umanong tinangay ng isa sa tatlong lalaki ang motorsiklo at tinungo ang silangang direksiyon patungo sa hindi pa matukoy na lugar.

Ayon kay Perez, nahihirapan siyang isipin kung paano muling magsisimula kaya umaasa rin siyang maibabalik ito sa kaniyang pagmamay-ari.

Samantala, tiniyak naman ng Police Station 1 ng Dagupan City Police Office na tinututukan nila ang insidente at patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga sangkot at matunton ang nawawalang motorsiklo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments