
Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano sa lahat ng police unit sa Metro Manila na higpitan ang seguridad sa mga mahahalagang pasilidad ng pamahalaan.
Kasunod na rin ito ng lighting rally kahapon at tinangkang makapasok ang ilang nagprotesta sa Malacañang Complex.
Ayon sa NCRPO, matagumpay na napigilan ng mga pulis ang mga nagpoprotesta at napanatili ang security perimeter habang nanatiling mapayapa ang buong pagtitipon.
Kasunod nito, inatasan ni Abrahano ang mga police commander na manatiling nasa heightened alert, palakasin ang intelligence monitoring, paigtingin ang koordinasyon sa iba pang ahensiya at dagdagan ang presensya ng pulis sa paligid ng mga kritikal na gusali ng pamahalaan at mga pangunahing access road, lalo na kapag may malalaking kilos-protesta.
Binigyang-diin din ng NCRPO chief na layunin ng direktiba na maprotektahan ang buhay at ari-arian, maiwasan ang hindi awtorisadong pagpasok sa mga secured government facility, at mapanatili ang kaligtasan ng publiko, habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
Inatasan din ang mga police commander na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya at mga organizer ng protesta upang matiyak ang maayos at mapayapang pagdaraos ng mga demonstrasyon.
