Friday, September 11, 2026

Mga doktor ni Romualdez, iginiit na dapat manatili ang kongresista sa ospital

Iginiit ng mga doktor ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi pa ito dapat ilipat sa New Quezon City Jail-Male Dormitory dahil sa kaniyang kasalukuyang kondisyon.

Ito’y sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division sa hiling ng kampo ni Romualdez para sa continued hospital confinement kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder.

Ayon kay cardiologist Dr. Rody Sy, mas alerto na si Romualdez kumpara noong nakalipas na mga araw pero pabago-bago pa rin ang blood pressure nito dahil umano sa stress. Umabot aniya sa 170 over 110 ang BP nito kahapon.

Iginiit ni Sy ang continuity of care at sinabing magiging “professionally reckless” ang paglilipat sa ngayon. Tinataya niyang apat hanggang anim na linggo pa bago maaaring payagang mailipat ang pasyente.

Inamin naman ni Dr. Rosalio Torres hindi pa naman kailangan ang major surgery sa ngayon at maaari ring gawin sa government hospital ang kinakailangang monitoring. Gayunman, iginiit niyang may panganib pa rin ang paglilipat sa ngayon.

Nabusisi rin sa pagdinig ang medical abstract na inihanda ni admitting doctor Dr. Kurt Allen Sibayan, kahit hindi niya personal na nakita si Romualdez.

Ayon kay Sibayan, idinikta sa kaniya ang impormasyon ni Dr. Dave Yahot, isang third-party doctor na hindi affiliated sa Cardinal Santos. Nilinaw naman ni Torres na assistant niya si Yahot at kumikilos ito sa kaniyang behalf.

Kinuwestiyon ng korte ang pinagmulan at kredibilidad ng impormasyong inilagay sa medical abstract. Lumabas din na ibang medical abstract ang nilagdaan ni Torres at hindi ang dokumentong inihanda ni Sibayan.

Patuloy na dinidinig ng korte ang hiling ng kampo ni Romualdez na manatili siya sa ospital.

Facebook Comments