Kani-kaniyang diskarte na ang ilang negosyante dito sa dagupan city sa pag-aalis ng tubig-baha na pumasok sa kanilang mga pwesto, upang maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay sa kabila ng matagal na pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.

Mahigit isang buwan nang pabalik-balik ang pagbaha sa ilang bahagi ng Dagupan City kasunod ng mga nagdaang sama ng panahon at patuloy na epekto ng habagat.

Bagama’t humuhupa ang tubig sa ilang pagkakataon, muli itong tumataas kapag nakararanas ng malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Dahil dito, ilang negosyante at kanilang mga tauhan ang kani-kaniyang gumagawa ng paraan upang alisin ang tubig-baha na pumapasok sa kanilang mga establisyimento.

May ilan na mano-manong nagsasalok at naglilimas ng tubig, habang ang iba naman ay gumagamit ng water pump upang mas mabilis itong mailabas.

Sa kabila ng sitwasyon, sinisikap nilang panatilihing bukas ang kanilang mga negosyo upang patuloy na makapaghanapbuhay at makapagsilbi sa kanilang mga customer.

Ayon kay Janine, cashier sa isang establisimyento sa bahagi ng Junction sa Dagupan City, nagsimula ang pagpasok ng tubig sa kanilang pwesto kasabay ng mga nagdaang sama ng panahon.

Kapag tumataas ang tubig, napipilitan umano silang magsalok o gumamit ng pump upang mailabas ang baha mula sa kanilang establisyimento.

Ganito rin ang sitwasyon ni Rodolfo at ng kanyang mga katrabaho. Sama-sama nilang nililimas ang tubig na pumasok sa kanilang pinagtatrabahuhan habang sinisikap na panatilihing bukas ang kanilang pwesto para sa mga customer.

Bukod sa dagdag na trabaho sa paglilinis, hamon din sa mga establisimyento ang paulit-ulit na pagpasok ng tubig dahil maaari itong makaapekto sa kanilang operasyon, mga kagamitan at paninda.

Samantala, patuloy na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang lebel ng tubig sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig sa lungsod.

Kasabay nito ang pagsusuri sa kondisyon ng iba’t ibang creek at drainage system bilang bahagi ng pagtukoy sa mga lugar na nakararanas ng matagal o paulit-ulit na pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments