
Pinayuhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline company kasunod ng pansamantalang pagsasara ng Basco Airport sa Batanes dahil sa bagyong Rosa.
Ayon kay CAAP Director General Retired Lieutenant General Raul Del Rosario, ito ay para sa flight updates at rebooking maging ang patuloy na pagsubaybay sa mga opisyal na abiso ng ahensiya para sa mga susunod na anunsiyo.
Matapos pansamantalang isara ng CAAP ang Basco Airport, kanselado ang dalawang biyahe sa pagitan ng Clark at Basco partikular ang PR2688 mula Clark patungong Basco at ang PR2689 mula Basco patungong Clarkna nakaapekto sa kabuuang 148 pasahero.
Bilang pag-iingat, siniguro rin ng CAAP ang mga pasilidad ng paliparan, kabilang ang mga bahagi na may salaming bintana, upang maiwasan ang posibleng pinsala dulot ng malalakas na hangin.
Binigyang diin ni Del Rosario na nananatiling pangunahing prayoridad ng ahensiya ang kaligtasan ng mga pasahero at mga tauhan ng aviation.
Patuloy aniya silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad at binabantayan ang lagay ng panahon bago muling buksan ang operasyon ng paliparan.










