MGA DEBOTO, NAGTIPON SA KAPISTAHAN NG SEÑOR DIVINO TESORO SA CALASIAO

Taos-pusong panalangin, debosyon, at pasasalamat ang inialay ng mga deboto ng Señor Divino Tesoro sa taunang kapistahan na ginanap sa bayan ng Calasiao ngayong unang Linggo ng Mayo.

Daan-daang mananampalataya ang nakiisa upang ipakita ang kanilang matibay na pananampalataya at debosyon sa mahal na poon.

Tampok sa pagdiriwang ang ika-9 at huling araw ng Novena na sinundan ng isang Solemn Procession ng banal na imahe ng Señor Divino Tesoro na kung saan, Ang prusisyon ay naging sentro ng taimtim na dasal at pagninilay ng mga deboto, na nagdulot ng makabuluhang gabi ng pagkakaisa at espiritwal na pagdalangin.

Ayon sa tradisyon, tuwing Mayo 2 at 3 isinasagawa ang kapistahan kung saan inilalabas ang imahe ng Señor Divino Tesoro para sa prusisyon sa mga lansangan ng Calasiao.

Layunin nitong bigyang pagkakataon ang mga mananampalataya na makapag-alay ng kanilang mga dasal, kahilingan, at pasasalamat.

Matapos ang prusisyon, ibinalik ang banal na imahe sa simbahan sa isang maayos at debosyonal na ritwal, na sinamahan ng panalangin at awit ng papuri.

Ito ay nagsilbing pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang na puno ng pananampalataya at pag-asa.

Sa kabuuan, nananatiling buhay sa puso ng mga deboto ang malalim na debosyon sa Señor Divino Tesoro, na nagsisilbing paalala ng pagkakaisa, pag-asa, at walang hanggang pasasalamat sa kabila ng mga hamon ng buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments