Hirap umano ang ilang Dagupeño sa paghahanap-buhay sa gitna ng mainit panahon, kaya naman ikinababahala rin nila ang mas matinding init sa mga susunod na buwan.
Mas nahihirapan daw ang mga vendors na walang silong ang mga pwesto tulad na lamang ni Aleng Delma.
Aniya, kahit mainit kailangan tiisin para may kitain kaya naman gumagawa na lamang siya ng paraan upang maibsan ang mainit na panahon lalo sa tanghali.
Ayon sa Department of Health (DOH) Ilocos Center for Health Development, mahalagang pag-ingatan ang kalusugan ngayong tumitindi ang init upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding temperatura partikular ang heat exaustion at heat stroke.
Upang makaiwas sa epekto ng matinding init, pinapayuhan ng DOH ang publiko na uminom ng pito hanggang walong baso ng tubig kada araw upang manatiling hydrated.
Mahalaga rin umanong iwasan ang mabibigat o nakakapagod na aktibidad mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, kung kailan maaaring maging mas matindi ang init.
Kapag kinakailangang lumabas, inirerekomenda rin ang paggamit ng payong, sombrero o pamaypay, habang dapat magsuot ng magaan, maluwag at mapusyaw na damit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










