
Dumaan sa masusing pagsusuri ng isang bangko ang account na natukoy na may suspicious transaction o kahina-hinalang transaksyon bago ito maireport at maisumite sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Kinumpirma ni Metrobank Anti-Money Laundering Division Head Atty. Niña Feren Aguilar mula sa mga pagtatanong ng mga senator-judges na maiging sinusuri ng mga bangko kung may sapat na batayan para kwestyunin ang isang transaksyon.
Sinang-ayunan ni Aguilar ang naging obserbasyon ni Senator-Judge Kiko Pangilinan na maliban sa mga nakakalap na negatibong media reports ay kasama rin sa sinisilip nila kung may nilabag ba sa guidelines ang malaking halaga ng transaksyon na walang kaakibat na legal, pangkalakalan o pang-ekonomiyang dahilan.
Sa pagtatanong naman ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung kaagad bang pinapadala sa AMLC ang isang ulat kung may kontrobersyal na report sa isang depositor, sinabi ni Aguilar na hindi kaagad-agad pinapadala ang records ng transaksyon kapag may negatibong balita na kinasangkutan ang isang kliyente, sa halip ay tinitiyak muna nilang totoong may iregularidad.
Hindi rin pwede ang basta-bastang pagpapadala ng suspicious transaction report kundi dapat munang dumaan ito sa pagsusuri ng AMLC division ng mga bangko.










