Mas pinaigting ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Mangaldan ang pagbabantay sa mga babuyan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magbababoy laban sa banta ng African Swine Fever o ASF.
Ito ay matapos maitukoy ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang Mangaldan bilang kabilang sa Yellow o Surveillance Zone para sa ASF.
Nitong Miyerkules, Oktubre 7, nagsagawa ng monitoring ang MAO sa mga Barangay Inlambo, Macayug at Palua upang tiyaking nasusunod ang mga kinakailangang biosecurity measures sa mga babuyan.
Kabilang sa mga ipinaalala sa mga hog raiser ang regular na paglilinis at pagdidisimpekta ng mga kulungan, kagamitan at iba pang ginagamit sa pag-aalaga ng baboy.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng malinis na pagkain at inuming tubig, gayundin ang maayos na pangangalaga sa kalusugan ng mga alagang hayop.
Ayon kay Dr. Wilino C. Zacarias, Veterinarian II, mahalagang higpitan ang pagpasok ng mga tao sa mga babuyan upang mabawasan ang posibilidad na maipasok ang virus na nagdudulot ng ASF.
Inirekomenda rin ni Zacarias ang paggamit ng artificial insemination o AI mula sa mga sertipikadong laboratoryong nagpapatupad ng mahigpit na biosecurity measures bilang mas ligtas na paraan ng pagpapalahi.
Samantala, ilan sa mga lokal na magbababoy ang nagsabing patuloy nilang pinananatiling malinis ang kanilang mga kulungan at maayos ang pag-aalaga sa kanilang mga baboy upang maiwasan ang pagpasok ng sakit.
Mahalaga ang mga hakbang na ito upang mapangalagaan hindi lamang ang kalusugan ng mga alagang baboy kundi maging ang kabuhayan ng mga pamilyang umaasa sa industriya ng paghahayupan.
Nilinaw naman ng MAO na wala pang naitatalang kaso ng ASF sa Mangaldan, batay sa pinakahuling impormasyong ibinahagi nito.
Gayunman, nagpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay at pinaalalahanan ang mga magbababoy na agad iulat sa Municipal Agriculture Office ang anumang kahina-hinalang pagkakasakit o pagkamatay ng kanilang mga alagang baboy. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










