Wednesday, July 29, 2026

MAY PAKANA SA ONLINE THREAT LABAN SA BAYAMBANG NATIONAL HIGH SCHOOL, NASA KUSTODIYA NA NG AWTORIDAD

Agad na nasa ilalim ng kustodiya ng Philippine National Police (PNP) Bayambang ang umano’y sangkot sa pagpapakalat ng online threat laban sa Bayambang National High School, matapos ang mabilis na koordinasyon ng lokal na pamahalaan.

‎Ayon sa ulat, kasalukuyang sumasailalim ang suspek sa kaukulang legal na proseso, kabilang ang assessment ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

‎Layunin ng pagsusuri na matukoy kung mayroon siyang sapat na discernment o kakayahang maunawaan ang bigat at posibleng epekto ng kanyang ginawa.

‎Kapag napatunayang mayroon nito, maaari siyang managot at maharap sa kaukulang kaso alinsunod sa umiiral na batas.


‎Binigyang-diin ng mga awtoridad na ang pagpapakalat ng mga online threat, kahit pa ito ay itinuturing na biro ng ilan, ay maaaring magdulot ng matinding takot, pangamba, at abala sa mga mag-aaral, guro, magulang, at sa buong komunidad.

‎Maaari rin itong magresulta sa agarang pagtugon ng mga awtoridad at makagambala sa normal na operasyon ng mga paaralan at iba pang institusyon.

‎Muling nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iba pang online platforms.

‎Paalala rin ng mga awtoridad na ang anumang uri ng banta, totoo man o hindi, ay maaaring magkaroon ng kaukulang pananagutan sa ilalim ng batas at dapat iwasan upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments