MGA PANGASINENSE, NAGBIGAY NG MGA REAKSYON SA NAGING SONA NI PBBM

Nagbigay ng sari-saring reaksyon ang mga Dagupeño sa naging State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong July 27, 2026.

Marami ang nagpahayag ng pagka-satisfied sa social media dahil sa mga naging mensahe ng Pangulo.

Para sa kanila, nakikita at nararamdaman umano ang ilang programa ng pamahalaan, at may mga hakbang na ginagawa ang administrasyon para sa pag-unlad ng bansa.

Samantala, hindi rin nawala ang panawagan ng ilan tungkol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng produktong petrolyo.

Si Mang Wilming na halos 20 taon nang nagtatrabaho bilang tricycle driver ay nagsabing kailangan pang mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa mataas na gastusin, dahil ito ang isa sa pinakamabigat na pasanin ng maraming pamilyang Pilipino.

May mga nagpahayag din ng pasasalamat sa mga programa na isinagawa ng pamahalaan tulad ni Nanay Lody, na isa sa mga nakatanggap ng libreng bigas.

Aniya, malaking tulong umano ito upang kahit paano ay mabawasan ang kanilang gastusin sa pang-araw-araw.

Pero may ilan din namang nagsabing hindi na sila nanood ng SONA. Anila, mas gusto nilang makita ang konkretong aksyon kaysa makinig sa mga pangako o talumpati dahil mas mahalaga umano ang resulta kaysa sa mga salita.

Matatandaang inilatag ng pangulo ang mga progresong nakamit ng administrasyon kahapon, kabilang ang pagpapatuloy na pagbibigay ng tulong o ayuda sa mga naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments