ALAMINOS CITY, NAGLUNSAD NG MGA PROGRAMANG PANGKALUSUGAN, KAHANDAAN SA SAKUNA AT KAPAKANAN NG OFWs

Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos, sa pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste, ang mga programa para sa kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mamamayan.

Ngayong araw (July 28), isinagawa sa Barangay Tangcarang ang kauna-unahang Barangay Rescuelympics 2026 sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month. Layunin nitong hasain ang kakayahan, pagtutulungan, at kahandaan ng mga barangay responder sa pagtugon sa mga sakuna at iba pang emergency.

Samantala, inilunsad naman noong July 27 ng City Health Office ang 90-Day Dietary Supplementation Program para sa 100 buntis na nanganganib sa kakulangan sa nutrisyon. Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-52 Nutrition Month at naglalayong mapabuti ang kalusugan ng mga ina at kanilang mga sanggol sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na suporta sa komunidad.

Tinanggap din ni Mayor Arth Bryan Celeste ang mga opisyal ng OWWA Regional Welfare Office 1 at mga kinatawan ng OFW Family Circles at OFC Leaders mula sa Western Pangasinan para sa dalawang araw na pagsasanay na nakatuon sa pagpapalakas ng gender-responsive welfare case management at repatriation assistance. Layunin ng programa na higit pang mapaigting ang koordinasyon at serbisyong ipinagkakaloob sa mga overseas Filipino workers at kanilang mga pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments